DAGUPAN CITY — Patay ang isang ginang matapos itong maaksidenteng malunod sa beach sa bayan ng Lingayen.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt. Noven Quitalig, Operation PCAD at PCU ng Lingayen Municipal Police Station, nabatid sa isinagawa nilang imbestigasyon na bandang 11:35 kahapon ng umaga lumalangoy sa dagat ang biktima na si Maricris Ramos, 51-anyos, residente ng Brgy. Bayoyong,sa bayan ng Basista, kasama ang kanyang dalawang anak na sina John Christopher Ramos, 14-anyos, at si Pio Benedick Ramos, 10-anyos, nang bigla silang tangayin ng malakas na alon papunta sa malalim na parte ng dagat ngunit hindi na makalangoy pabalik sa pampang at tuluyang nalunod.
Agad naman rumesponde ang mga miyembro ng WASAR PDRMO ng nasabing bayan sa lugar ng insidente na nagresulta sa pagkakaligtas sa mga anak ng biktima, habang si Maricris ay natagpuang wala ng malay. Binigyan pa ito ng first aid sa pamamagitan ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa lugar ng insidente at isinugod sa Lingayen District Hospital subalit idineklara rin itong Dead on arrival.
Pinaalalahanan naman ang awtoridad ang publiko na doblehin ang pag-iingat kapag pupunta sa dagat at kung hindi naman marunong lumangoy ay huwag na magpumilit lalo na kapag malakas ang alon upang maiwasan ang anumang disgrasya.