DAGUPAN, CITY— Nasawi ang isang 5 taong gulang na lalake matapos itong malunod sa isang ilog sa barangay Dilan sa bayan ng Pozurrobio.
Ayon kay PMaj. Zynon Paiking, ang OIC Pozurrobio PNP, isinama ng ama nito ang biktima sa ilog upang mamingwit ng isda pasado alas-8 ng umaga ngunit ang bata ay naligo sa malalim na bahagi ng ilog.
Pagkaraan nito ay hindi nahanap ng kanyang ama ang biktima at natagpuang na lamang ang bata na wala nang malay at isinugod pa nito ang kanyang anak sa Pozurrobio Community Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival.
Wala namang galos o sugat ang natamo ng biktima at wala ring nakitang foul play sa naturang insidente.
Natanggap naman umano ng pamilya ang sinapit ng naturang bata at hindi naman umano nagsisihan.
Nagpaalala naman si Paiking sa publiko na sa mga naliligo sa mga ilog o anumang uri ng anyong tubig na tignan o bantayan ang mga kasamang mga bata na maliligo rito lalo na at hindi pa sila ganoon marunong lumangoy.
Ito naman ang unang insidente ng pagkalunod sa nabanggit na lugar.