DAGUPAN, CITY – Nanawagan ngayon ng tulong ang mga mamamayan ng Barangay Petal sa bayan ng Dasol matapos na mawasak ang kanilang mga bahay at mga bangka dulot ng malalakas na alon dahil sa hagupit ng bagyong Paeng at umiiral na high tide.
Ayon kay Barangay Kagawad Regalado Cereza Jr., nasa 5 bahay ang sinira ng malaking alon dulot ng bagyo kung saan 4 bahay ang partially damage habang ang 1 bahay naman ang tinangay ng nangyaring storm surge.
Maliban pa umano dito, nasa 16 na bangka rin ang naiulat na nawala kung saan ay nasa 11 dito ang partially damage.
Sa datos mula naman sa Dasol Disaster Risk Reduction and Management Office sa pamamagitan ni Officer In Charge Andrew Diaz, maaga naman ang kanilang abiso sa mga mamamayan sa nabanggit na lugar kung saan nailikas naman ang mga residente sa mga evacuation center lalo na yaong mga bata at mga kababaihan.
Napag-alaman din sa kanilang ocular inspection na ang mga naturang bahay ay malapit lamang sa dalampasigan at hindi rin inasahan na ganun kalakas ang alon na puminsala sakanilang mga ari-arian.
Sa ngayon ay nakipag-koordina na ang nabanggit na tanggapan sa nabanggit na barangay upang mabigyan ng tulong ang mga apektadong mga pamilya na nasa evacuation center pa rin o nakikitira muna pansamantala sa kanilang iba pang kaanak.