DAGUPAN CITY- Ipinatupad ng PNP Bayambang ang mas pinaigting na deployment ng mga pulis upang maabot ang target na 5-minutes response time sa oras na may tumawag sa 911.

Ayon kay PLT. COL. Rommel Bagsic, hepe ng Bayambang PNP, hinati ang bayan sa apat na sector na may tig-minimum na walong pulis at nakatalagang mga sasakyan.

Aniya na kabilang sa inisyatibong ito ang paglalabas ng maging mga tauhan sa opisina upang tumulong sa pagpapatrolya.

--Ads--

Malaking tulong umano sa crime prevention ang presensya ng pulisya sa kalsada dahil nawawalan ng pagkakataon ang mga kriminal na gumawa ng masama.

Nilinaw din na hindi dapat katakutan ng publiko ang makakita ng mga pulis sa labas, kundi ituring itong dagdag seguridad.

Dagdag pa niya, suportado ng halos 300 CCTV cameras sa buong bayan ang operasyon, kaya walang problema sa teknolohiyang kailangan para sa mabilis na aksyon.

Samantala, mula nang ilunsad ng lokal na pamahalaan ang Task Force Disiplina noong Agosto 1, mas mahigpit na naipatupad ang mga ordinansa sa kalinisan, kaligtasan, kalusugan at disiplina para sa kaunlaran ng bayan.

Ayon kay Bagsic, may mahigit 20 enforcer ang task force disiplina na katuwang ng PNP sa pagbabantay, na siyang nakapagpapagaan ng trabaho ng pulisya lalo na sa sentrong bayan, upang makapokus sila sa iba’t ibang barangay.

Gayunpaman, nananatiling hamon ang pagtugon sa mga insidente tulad ng domestic violence na nagaganap sa loob ng mga tahanan.