Nasugatan ang limang katao, kabilang ang dalawang miyembro ng Philippine Army, matapos ang isang pagsabog na pinaniniwalaang dulot ng granada sa Barangay Mother Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Sabado ng umaga, Hulyo 18.

Sa paunang ulat ng pulisya, sakay ng isang military truck ang mga tauhan ng 2nd Special Reaction Battalion ng First Scout Ranger Regiment at patungo sana sa Isulan nang maganap ang insidente dakong alas-6:26 ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng itim na motorsiklo ang umano’y naghagis ng bagay na pinaniniwalaang hand grenade sa sasakyan habang ito ay bumabaybay sa national highway.

--Ads--

Dahil sa pagsabog, nagtamo ng mga sugat mula sa shrapnel ang dalawang sundalo at tatlong sibilyan na nadamay sa insidente.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at dinala ang mga biktima sa Bangsamoro Regional Hospital and Medical Center para sa kaukulang gamutan.

Nakarekober din ang mga imbestigador ng isang safety lever sa pinangyarihan ng insidente na posibleng bahagi ng sumabog na granada.

Patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang motibo ng pag-atake at matunton ang pagkakakilanlan ng mga suspek, habang nagpapatuloy ang CCTV backtracking at dragnet operations sa lugar.