DAGUPAN, CITY— Arestado ang 5 katao sa barangay Calmay Ilokano sa siyudad ng Dagupan matapos masangkot sa iligal na sugal at hindi pagsunod sa social distancing at hindi pagsusuot ng face mask na kabilang sa umiiral pa ring health protocols sa ilalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Dagupan PNP, nakatanggap ang kanilang hanay ng ulat mula sa isang informant hinggil sa mga indibiwal na nagsusugal ng Bingo na mayroong pusta na agad nirespondehan ng mga pulis na nagresulta sa pagkakahuli ng limang kababaihan.
Kinilala ang mga nahuling indibidwal na sina Nora Dela Cruz, 71 anyos, Ma. Cecilia Asitura, 51 anyos, Jennifer Rimandiman, 46 anyos, Nerissa Asitura, 39 anyos, Jobelle Laigue, 19 anyos, kapwa mga residente ng naturang barangay.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang mga bingo cards, isang set ng plastic bingo cards, 2 piraso ng plastic box, isang plastic basin, maliliit na bato at barya na nagkakahalaga ng P48.
Sumailalim ang mga naarestong nagsusugal sa medico legal examination at dinala kinalaunan sa himpilan ng kapulisan.
Paglabag sa PD 1602 o Prescribing Stiffer penalties on Illegal gambling at Article 151 ng RPC o ang Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents ang kasong isasampa sa korte laban sa mga suspek.