Ikinagalak ni Pangasinan 4th District Rep. Christopher de Venecia ang naging ‘special mention’ sa creative industry ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang naging unang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.
Ayon sa naturang opisyal na napapanahon ng mabigyan ng pagkilala at mabigyang suporta ang lahat ng mga Filipino artists na siyang may magiging malaking ambag sa pagbuhay ng turismo ng ating bansa kung saan ay masasabatas na sa susunod na araw ang Philippine Creative Industries Development Act.
Ang batas, isang pinagsamang bersyon ng House Bill 10107 at Senate Bill 2455, ay naglalayong lumikha ng Philippine Creative Industry Development Council, na mangangasiwa sa mga pagsisikap na mapabuti ang industriya.
Ang ahensya rin aniya ay tutuon sa pagpapalago ng sektor sa pamamagitan ng key performance indicators na siyang titiyak kung papaano mas mapapataas ang kita ng industriya gayundin ang pagtiyak sa mas maraming oportunidad sa mga indibidwal at kung papaano ito tatangkilikin pa ng publiko.
Dagdag rin nito na makabubuting magkaroon ng isang ahensya ng gobyerno na tutuon sa creative industry na magsusulong sa mga interes ng mga stakeholder nito.
Sa naging pahayag aniya ng pangulo ay positibo itong maipapatupad.
Ito na rin ay kasunod ng isinusulong nitong panukalang Freelance Workers Protection Act (House). Bill 8817) na naglalayong maprotektahan ang mga freelancer na bumubuo sa creative sector.
Pagsasaad pa nito na aabot sa limampung mga industriya ang matutulungan nito kabilang na ang media, design sector, performing arts maging ang visual arts, advertising at iba pa.