Dagupan City – Nakapagtala ng 49 na aksidente sa kakalsadahan at 4 na pagkalunod ang lalawigan ng Pangasinan kasabay ng paggunita ng Semana Santa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Captain Aileen Catugas, Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), isa sa nakikitang dahilan ng mga ito kung bakit tumaas ang bilang ng mga aksidente ay bunsod na rin ng pagdagsa ng mga motorista patungong probinsya, kasabay ng paggunita ng Semana Santa at pagpasok ng SUMVAC o Summer Vacation.
Kaugnay nito, ang 4 naman na naitalang kaso ng pagkalunod ay mula naman sa mga bayan ng Mabini, Pozorrubio, Malasiqui, at Aguilar. Isa sa nga sa mga pangunahing sanhi ng insidente ay ang paglangoy habang nasa impluwensya ng alak.
Sa kabila nito, tiniyak ni Catugas na nakaalerto ang kanilang opisina at sa katunayan ay naka-heightened alert pa ang mga ito at nanatili rin ang augmentation sa karatig na mga bayan dahil sa inaasahang dagsa ng tao kaugnay ng nalalapit din na Pistay Dayat, isang malaking selebrasyon sa lalawigan.
Paliwanag nito, 85% ng kanilang puwersa ay naka-deploy sa mga matataong lugar upang matiyak ang police visibility at seguridad, habang 15% naman ang nakatalaga sa mga opisina para sa iba pang administrative compliance.