Dagupan City – Arestado ang isang negosyante sa bayan ng Binalonan matapos mahulihan ng hinihinalang shabu na may halagang umaabot sa mahigit P680,000.
Nahuli ang suspek sa Barangay Sumabniy sa pamamagitan ng Buy bust operation na pinangunahan ng Binalonan Police Station kasama ang mga ibat-ibang operatiba mula sa lalawigan at Rehiyon uno.
Katuwang din ng mga otoridad ang mga Brgy. Officials ng nasabing barangay at sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency- Regional Office 1 (PDEA RO1) kaya naging matagumpay ang operasyon.
Kinilala ito bilang isang lalaki na nasa edad 48 na Tubong bayan ng Calasiao ngunit kasalukuyang residente ng Barangay Nancamaliran East sa lungsod ng Urdaneta at ito ay tinaguriang High-Value Individual (HVI).
Nakumpiska sa suspek ang nasa 21 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 100 gramo at iba pang drug paraphernalia.
Kasalukuyang nasa himpilan na ng kapulisan ang suspek at Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya sa paglabag sa Article II, Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.