Arestado ang isang 46-anyos na lalaki matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa Barangay Naguilayan, Binmaley, Pangasinan.
Ang suspek ay may asawa, walang hanapbuhay at residente ng Barangay Malindong, Binmaley, at itinuturing na street-level individual.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Binmaley Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency–Regional Office 1 matapos ang impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa lugar.
Narekober mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.23 gramo at Standard Drug Price na ₱1,564.00, isang tunay na ₱1,000.00 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang itim na motorsiklo, at isang identification card na driver’s license.
Isinagawa ang marking at inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga insulating witness at ng suspek. Dinala ang inaresto sa Lingayen District Hospital para sa medical examination bago inilipat sa Binmaley Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 laban sa suspek habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.










