Sinunog ng isang 45-anyos na lalaking umano’y may problema sa pag-iisip ang kanilang tahanan sa bayan ng Mangatarem.
Ayon kay Police Major Arturo Melchor Jr., Acting Chief of Police ng Mangatarem PNP, base sa ulat ng pamilya, nagkaroon umano ng insidente ng pananakit o panunukpok ng suspek sa kanyang sariling ina bago ang insidente.
Agad dinala sa ospital ang ina matapos ang pananakit ngunit habang wala ang mga ito, bigla namang sinilaban ng suspek ang kanilang bahay nang walang malinaw na dahilan.
Umabot naman sa tinatayang ₱100,000 ang inisyal na danyos ng sunog mabuti na lamang at agad na tumugon ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang apulahin ang apoy.
Sa isinagawang imbestigasyon, inamin mismo ng suspek na siya ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, subalit iginiit niyang hindi niya matandaan ang nangyari.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang otoridad sa rehabilitation center sa Dagupan City upang maisailalim sa rehab program ang suspek.
Panawagan naman ni Pmaj. Melchor na kapag may napapansing kakaiba, agad na ipaalam sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng kaukulang tulong, ma-assist, at maipagamot ang mga taong may problema sa pag-iisip o nalulong sa droga.
Hinimok din naman ng hepe ng pulisya ang publiko na huwag ipagsawalang-bahala ang mga ganitong uri ng senyales sa kanilang komunidad.
Patuloy namang isinusulong ng Mangatarem PNP ang kanilang programang “Drug-Free Workplace and Community” upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.










