DAGUPAN CITY- Nakapagtala ng kauna-unahang kaso ng nasawi sa lungsod ng Dagupan dahil sa paggamit ng paputok nitong pagsalubong ng Bagong Taon.

Ayon kay Dr. Camille Navarro, Head ng Health Emergency and Disaster Management Service ng Region 1 Medical Center, isang 44 anyos na lalaki na residente ng Brgy. Bonuan Gueset sa nasabing lungsod ang nasabing biktima.

Aniya, alas-12:20 ng madaling araw nang mangyari ang insidente at dinala ito sa opsital bandang alas-12:28.

--Ads--

Pumanaw ito alas-3:20 ng umaga dahil sa mga tinamong pinsala gaya ng multiple abrasion and laceration with skull fracture.

Pagbabahagi pa ni Dr. Navarro na ayon sa kinakasama ng biktima na ang gamit nito na paputok ay ang Five star.

Samantala, nasa 18 nang kaso ang kabuuang naitala sa R1MC simula pa December 20 hanggang ngayong araw sa paggamit ng paputok.

Mababa ngayon ang kaso ng mga naapektuhan dahil sa paputok mula sa 34 na kaso noong nakaraang taon ngunit ang datos na ito ay hanggang Enero 5 kaya patuloy parin nila itong tinututukan.

Saad pa ni Dr. Navarro na karamihan sa mga biktima ay mga lalaki dahil isa lamang dito ang babae.

Labinlima naman ang mismong gumamit ng paputok o active victim habang tatlo naman ang nadamay lamang o passive victim.

Dagdag pa nito na nasa 8 taong gulang ang pinakabatang biktima habang ang pinakamatanda naman ay ang 44-anyos na lalaki na siyang nasawi.

Sa 18 kaso siyam dito ay mula sa Dagupan City, apat sa San Fabian, dalawa sa San Carlos City, dalawa sa Mangaldan, at isa sa Mapandan.

Sa ngayon ay kasalukuyan paring naka-admit ang dalawang biktima sa ospital ngunit ang iba ay nakalabas na.

Paalala nito na dapat huwag na lamang magpaputok upang hindi na madagdagan pa ang kaso ng nasawi dahil dito.

Sa kabilang banda, bakas pa sa pinangyarihan ng insidente ang dugo dahil sa tindi ng naging tama ng biktima sa ulo.

Ayon kay Leonard Bautista, isang witness na noong oras na iyon, ay nasa gilid aniya ito ng kalsada malapit sa pinangyarihan dahil hinahanap nito ang pinsan ng kasintahan nito dahil pinapapasok na ng magulang nito dahil baka maputukan sa kasagsagan ng bagong taon.

Nakita niya ang biktima na nagpapaputok na inakalang nadulas lamang sa mga oras na iyon dahil napahiga na ito ngunit natamaan na pala ng paputok sa kanyang panga na tumagos sa ulo nito kaya dumaloy ang maraming dugo sa sahig.

Paglilinaw naman nito na hindi five star ang ginamit ng biktima kundi bomshell na inilagay sa dalawang improvised na pvc pipe na nakatayo sa lupa para lumakas ang tunog nito.

Nagsindi aniya ito ng paputok at nilagay nito ngunit sinilip niya nang hindi pa pumutok at bigla na lamang itong sumabog deritso sa mukha nito kaya natamaan.

Isinugod naman sa ospital ng dumaang tricycle dahil medyo natagalan ang ambulansiya sa pagpunta sa lugar kung saan nasa 10 minuto na aniya nakahiga ang biktima.