Sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, binigyang-diin ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mamamayan sa demokrasya at ang kapangyarihan ng bawat Pilipino na humingi ng pagbabago sa pamahalaan.

Ayon kay Eufemio Agbayani III, Historical Sites Researcher ng NHCP, ang EDSA People Power ay hindi lamang pagtitipon ng tao kundi isang makasaysayang paalala na “hindi kailangan ng karahasan o pagdanak ng dugo upang marinig ang ipinapanawagan ng lipunan.”

Aniya, mahalagang matandaan natin na ang EDSA People Power Revolution ay pagtitipon ng mga kababayan natin mula sa iba’t ibang hanay, reliyon, kasarian, at social classes upang magsagawa ng pagbabago sa pamahalaan.

--Ads--

Ang mapayapang rebolusyon ay naging inspirasyon sa ibang bansa sa Eastern Europe at iba pang bahagi ng mundo, na nagpapakita na posible ang pagbabago sa pamamagitan ng kolektibong aksyon at mapayapang pamamaraan.

Pinayuhan din ni Agbayani ang mga Pilipino na patuloy na ipahayag ang kanilang opinyon hindi lamang sa pamamagitan ng protesta kundi pati sa pamamagitan ng pagboto at pagsusuri sa mga polisiya ng pamahalaan.

Ayon sa NHCP, may mga nakatalagang aktibidad na maaaring daluhan ng publiko bilang bahagi ng paggunita sa EDSA People Power Revolution.

Nagbigay naman ito ng mensahe na ang paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA ay malinaw na ang demokrasya ay buhay na buhay lamang kung ang mamamayan ay patuloy na nagsasalita, kumikilos, at nakikilahok sa proseso ng pagbabago.