Mga kabombo! Ano ang kaya mong gawin kapag nais mong makamit ang hustisya ngunit tila mahirap itong maikatuparan.

Isang babaing tindera ng empanada ang naging laman ng balita at usap-usapan sa Haiti matapos niyang aminin na siya ang nasa likod ng pagkamatay ng 40 miyembro ng isang kilabot na gang. Ginamit umano niya ang kanyang negosyo bilang cover para maisakatuparan ang kanyang matagal nang planong paghihiganti — gamit ang lason sa empanada!

Ayon sa mga ulat, ang insidente ay naganap sa Kenscoff district sa Port-au-Prince, isang lugar na matagal nang pinamumugaran ng mga armadong grupo. Ang babae, na kilala bilang isang respetadong tindera ng Haitian empanada, ay nag-alok ng libreng pagkain sa mga miyembro ng gang na “Viv Ansanm”, na konektado kay Jimmy Cherizier, kilala bilang “Barbecue” — isang dating pulis na naging notoryus na crime boss.

--Ads--

Sa hindi inaasahang twist, ang mga libreng empanada ay may halong matinding klase ng insecticide. Ilang minuto matapos kainin ng mga gang members, nagsimula na silang magsuka at makaranas ng matinding pananakit ng tiyan. Hindi na sila umabot ng buhay sa ospital.

Agad na kumalat ang balita at marami ang nagulat — lalo na’t isang simpleng tindera lang ang nasa likod ng isang hakbang na tila eksena sa pelikula. Ayon sa babae, ginawa niya ito bilang paghihiganti para sa mga inosenteng napatay ng grupo.

Matapos ang insidente, agad siyang umalis sa kanilang lugar — na kalauna’y sinunog ng mga tauhan ng gang. Ngunit hindi siya nagtago. Sa halip, boluntaryo siyang sumuko sa awtoridad at inamin ang lahat, sinabing siya lang ang gumawa ng plano.

Sa ngayon, wala pang desisyon kung siya ay kakasuhan. Sa isang bansang tila nawalan na ng tiwala sa sistema ng hustisya, maraming Haitian ang nagsabing ang ginawa ng tindera ay isang uri ng “makabagong hustisya.”