Mayroong panibagong apat na nadagdag na positibong kaso ng coronavirus infectious disease-2019 (COVID-19) dito sa lungsod ng Dagupan.
Kinumpirma ito ni Dra. Ophelia Rivera, focal person ng lungsod sa usapin ng COVID-19, sa exclusivew interview ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, ang tatlo sa mga ito ay pawang mga medical frontliners mula sa Region 1 Medical Center (R1MC) na kinabibilangan ng dalawang doktor at isang nurse habang ang isa pang bagong confirmed case ay nagtatrabaho sa isang restaurant.
Dagdag pa ni Dra. Rivera, noong Abril 20 pawang nakuhanan ng swab samples ang mga ito na dinala sa Baguio General Hospital at dumating lamang ang resulta kahapon, Abril 24.
Nabatid na ang 37 anyos na babaeng nag-iisang sibilyan sa apat na panibagong kaso na residente ng Barangay Bonuan Boquig, ay mayroong travel history sa bayan ng Mabini na narating daw nito sa pamamagitan ng paglalakad.
Ayon pa kay Dra. Rivera, una na itong nagnegatibo sa isinagawang Rapid test subalit muling isinailalim sa pagsusuri matapos na magpakita ng sintomas upang makasiguro lalo at ito ay mayroong history ng sakit na hika.
Dahil sa panibagong apat na kaso, tumaas na ngayon ang confirmed case ng lungsod sa 11 mula noong Marso 31, kung saan walo sa mga ito ay pawang mga medical frontliners.
Bunsod nito ay umaasa ngayon si Dra. Rivera na hindi na madadagdagan pa ang naturang bilang.