DAGUPAN CITY- Nauwi sa trahedya ang pagligo ng apat na menor de edad bandang alas 12:30 ng tanghali sa bahagi ng Tebag river, matapos malunod ang isang 7-taong gulang na bata habang tatlo ang nailigtas.
Ayon kay PLTCol Zaldy Fuentes, hepe ng San Carlos City Police, lumusong ang mga biktima sa masukal na bahagi ng ilog at nagtungo sa malalim na parte, dahilan upang sila ay matangay ng agos.
Magkakasama ang apat na magkakaibigan ngunit wala ni isang nakatatandang kasama o gabay sa lugar.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng San Carlos City PNP, CDRRMO, at BFP matapos makatanggap ng tawag mula sa isang residente bandang 3:40 ng hapon.
Isinagawa ang search and retrieval operation kung saan tatlong batang edad 14, 12, at 11, ang agad na nasagip at dinala sa Ospital para sa kaukulang medikal na atensyon.
Samantala, ang bunsong biktima na 7-taong gulang ay narekober makalipas ang halos dalawang oras at agad isinugod sa Ospital subalit idineklara itong dead on arrival.
Nagpaalala ang kapulisan sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak, lalo na kung malalapit sa mga mapanganib na lugar gaya ng ilog.
Mas pinaigting din ang seguridad at pagbabantay sa mga katubigan sa lungsod upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.