DAGUPAN CITY — Pinagsasaksak ng apat na magkakapatid ang kanilang dalawang tiyuhin matapos magkainitan nang dahil sa Videoke sa Barangay Ambuetel sa bayan ng Calasiao.


Ayon kay P/Lt. Ramil Castro, Public Information Officer ng Calasiao PNP, nag-iinuman ang mga suspek at biktima subalit habang kumakanta ang isang suspek ay sinira umano ng biktima ang mic nito.
Nang dahil naman sa init ng ulo at dahil nakainom na rin ang mga ito ay nanaksak na ang suspek na naging simula ng gulo sa lugar.

Nagtamo ang mga biktima ng maraming tama ng saksak sa katawan kung saan ang ilan dito ay sa likod at puso at nakitaan pa ng mga pasa ang mga ito.

--Ads--


Dead on arrival ang isa sa mga biktima habang kritikal naman ang kondisyon nang kapatid nito na dinala sa Region1 Medical Center.
Naaresto na ang tatlo sa mga suspek na sina Michael Paragas, Joel Paragas, at Rodolfo Paragas habang at large parin ang isa pang suspek na si Jessy Paragas. Narecover naman sa crime scene ang isang kutsilyo na ginamit sa pananaksak sa mga biktima.


Sumisigaw ngayon ng hustisya ang pamilya ng mga biktima at kahit kamag anak din nila ang mga suspek ay desidido ang mga ito na maghain ng kasong murder at frustrated murder laban sa mga suspek.

Mensahe naman ng opsiyal na handang makipagtulungan ang kapulisan sa pamilya ng biktima at kung may mga nakakaalam man sa kinalalagyan ng pinaghahanap pang suspek ay ipagbigay alam agad ito para sa agarang pagkakaaresto sa suspek. (With reports from Bombo Adrianne Suarez)