Kumpirmadong nasawi ang anim na crew members ng isang US military refuelling aircraft matapos itong bumagsak sa kanlurang Iraq, ayon sa US Central Command (Centcom).

Ang tanker aircraft ay bahagi ng nagpapatuloy na operasyon ng US laban sa Iran at isa sa dalawang eroplano na sangkot sa insidente. Ang ikalawang eroplano ay ligtas na nakalapag.

Ang mga eroplano na gawa ng Boeing ay may kakayahang mag-refuel ng ibang eroplano habang nasa himpapawid at karaniwang may malaking papel sa mga operasyong militar ng US. Malawakan din itong ginamit noong Gulf War upang mapahaba ang saklaw ng mga fighter jet at bomber.

--Ads--

Ayon sa Centcom, naganap ang insidente bandang 2:00 PM ET (7:00 PM GMT) noong Huwebes at kasalukuyang iniimbestigahan ang mga pangyayari sa pagbagsak ng eroplano.

Idinagdag ng US military command na hindi muna ilalabas sa loob ng 24 oras ang pagkakakilanlan ng mga nasawi upang mabigyan muna ng abiso ang kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Gen. Dan Caine, chairman ng US Joint Chiefs, sa isang press conference noong Biyernes na bumagsak ang eroplano habang ang crew ay nasa isang combat mission.

“Tinatrato pa rin namin ito bilang isang aktibong rescue at recovery operation,” aniya.

Tinawag naman ni US Defence Secretary Pete Hegseth ang mga miyembro ng crew ng eroplano bilang mga “American heroes,” at binigyang-diin na ang kanilang sakripisyo ay lalo lamang magpapatibay sa determinasyon ng misyon.

Karaniwan, ang KC-135 ay may crew na binubuo ng pilot, co-pilot, at isang boom operator na responsable sa pagkontrol ng refuelling arm ng eroplano.

Nauna nang sinabi ng Centcom na naganap ang pagbagsak sa friendly airspace, ngunit ito ay isang rehiyon ng Iraq kung saan aktibo ang mga pro-Iranian militias.

Inako naman ng militar ng Iran sa state TV na isang kaalyadong grupo ang tumarget sa eroplano gamit ang missile.

Ang pagbagsak ng eroplano ay nagtaas sa opisyal na bilang ng mga nasawing sundalong Amerikano sa digmaan ng US-Israel laban sa Iran, na nagsimula dalawang linggo na ang nakalipas, sa 11 katao.