DAGUPAN CITY- Patuloy ang konstruksyon ng ikatlong bahagi ng flood mitigation structure sa Barangay Calmay, lungsod ng Dagupan
Ayon kay Brgy. Captain Jovencio Salayog, inaasahang matatapos ang Phase 3 ng proyekto sa buwan ng Oktubre ngayong taon.
Kasunod nito, pinagpaplanuhan na ring simulan agad ang ika-apat na bahagi ng konstruksyon sa parehong buwan.
Ang mga dike na inilalatag sa barangay ay nakikitang malaking tulong upang mapigilan ang pagtaas ng tubig tuwing may malalakas na pag-ulan at high tide.
Dagdag ng kapitan na maliban kasi sa baha, nagsilbi na rin itong proteksyon laban sa posibleng pagguho ng lupa sa lugar na dating pinangangambahan ng mga residente.
Tinatayang halos lahat ng populasyon sa Calmay ay naaapektuhan tuwing bumabaha.
Ngunit dahil sa nasabing proyekto, may pag-asa silang hindi na uulit ang ganitong sitwasyon kapag tuluyang natapos ang dike.
Sa kabila ng mga ulat tungkol sa umano’y mga ghost projects sa ibang lugar, iginiit ni Barangay Chairman Salayog na maayos at transparent ang konstruksyon sa kanilang barangay sa ilalim ng proyekto ng DPWH at pagtitiyak niyang makikinabang dito ang buong komunidad lalo na sa panahon ng sakuna.