Dagupan City – Personal na sinubaybayan at binisita ni Board Member Vici Ventanilla ng Ikatlong Distrito ng Pangasinan ang kalagayan ng ilang bayan at barangay na naapektuhan ng nakalipas na malakas na pag-ulan, pagbaha at mga nagdaang bagyo sa kanyang nasasakupan.
Kabilang sa mga lugar na kanyang pinuntahan ang bayan ng Calasiao, Santa Barbara, at lungsod ng San Carlos upang personal na makita ang sitwasyon ng mga residente at barangay officials na patuloy na tumututok sa sitwasyon.
Ayon kay Ventanilla, patuloy namang ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng regular na pagmo-monitor sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng baha at malakas na pag-ulan.
Bilang pagkilala at suporta sa mga barangay officials na patuloy na nagduduty at nagbabantay sa mga barangay hall, namahagi rin si Ventanilla ng kape at pandesal bilang simpleng paraan ng pagpapakita ng pasasalamat sa kanilang serbisyo, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Dahil marami ang naapektuhan ng pagbaha sa kanyang distrito, hinimok ng provincial board member ang mga residente na manatiling alerto at unahin ang kanilang kaligtasan.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na mag-ingat sa paglabas ng bahay, lalo na kung patuloy ang pag-ulan, at huwag kalimutang magdala ng payong upang maprotektahan ang sarili.
Samantala, tiniyak ni Ventanilla ang patuloy niyang pakikipagtulungan sa Provincial Government of Pangasinan sa pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III upang matugunan ang pangangailangan at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamamayan ng Ikatlong Distrito.
Patuloy naman ang panawagan sa mga residente na manatiling mapagmatyag at makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan sakaling magkaroon ng anumang banta o emergency dulot ng sama ng panahon.










