BOMBO DAGUPAN- Arestado ang 38-anyos na lalaki sa bayan ng San Manuel dahil sa pananaga sa isang barangay kagawad at pagkaputol ng kamay ng mismong ina nito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pcapt. Joel Mendoza ang Deputy Chief of Police ng San Manuel Municipal Police Station na nangyari ang pananaga kamakailan bandang alas 5:30 ng umaga sa Barangay Nagsaag sa nasabing bayan kung saan kinilala ang suspek na si Anthony Cuison.
Kaugnay nito ay bigla na lamang umanong nag-amok ang suspek ng walang dahilan habang nag-uusap ang dalawang biktima sa harap ng bahay mismo ni Marietta Macaraeg Cuison, 64-anyos, ina ng suspek at ni Michael Lopez Alvarado, 45-anyos isang kagawad sa kanilang barangay.
Sinubukan umanong pakalmahin ng kagawad ang suspek ngunit nagalit ito kaya kumuha ito ng itak sa loob ng kanilang bahay kung saan pagkalabas nito na may hawak na itak at agad na inatake ng saksak at taga ang biktima kaya bumagsak sa lupa na dahilan ng pagkakasugat nito sa kanyang dibdib, left side torso at sa kanyang likod.
Habang ang ina naman ng suspek ay umaawat subalit tinutuloy parin ng suspek ginagawang pagtaga sa biktima hanggang sa nabaling sa ina ang atensyon nito kaya inatake ito kung saan iniharang umano nito ang kaliwang kamay sa kanyang ulo para hindi mataga ngunit nakaramdam ito ng matinding kirot sa kanyang kaliwang kamay kaya tinignan niya ito. Doon niya nalaman na naputol na pala ang kaniyang kamay na pinangharang niya kaya nagsanhi ng labis na pag-agos ng dugo.
Agad namang dinala sa ospital ang dalawang biktima upang magamot habang ang suspek naman ay nagtangkang tumakas ngunit napag-alaman nila na nagpunta sa himpilan ng Villasis PNP para sumuko.
Sa kasalukuyan ay nasa himpilan na ng San Manuel PNP ang suspek at humaharap sa kasong frustrated homicide at frustrated parricide.