Mga kabombo! Isa ka rin ba sa mga mahilig maglagay ng makeup?

Ang tanong, inaalis mo rin ba ito bago matulog?

Isang 37-anyos kasi na babae ang naging viral matapos niyang ibahagi sa social media na halos dalawang dekada siyang hindi nagtatanggal ng makeup na naging dahilan nang matinding pamamaga at rashes sa mukha.

--Ads--

Nakilala lamang bilang sa tawag na “Gao” mula sa China, kung saan ginamit niya ang kanyang kuwento bilang babala sa publiko, lalo na sa mga mahilig mag-makeup, na huwag balewalain ang tamang paglilinis ng mukha.

Ayon kay Gao, nagsimula siyang gumamit ng makeup sa edad na 15 matapos makita ang ginagawa ng kanyang ina.

Subalit pagkalagay niya ng makeup, hindi niya ugaling gumamit ng makeup remover at hinuhugasan lang niya ng tubig ang mukha tuwing gabi.

Naniniwala kasi ito na hindi na kinakailangan pang tanggalin ang makeup lalo na’t maglalagay din ito kinabukasan,

Dahil dito, patung-patong lang ang makeup na gina­gamit niya araw-araw.

Bagama’t nakaranas na siya ng tagihawat noon, hindi naging malala ang kanyang balat.

Hanggang bigla siyang magkaroon ng allergic reaction. Labis ang pamamaga at pamumula ng kanyang mukha na halos hindi na siya makilala ng mga tao.

Sa halip na magpatingin sa dermatologist, nagpunta siya sa isang medical aesthetics clinic para magpaturok ng “skin booster” na lalo lamang nagpalala sa kanyang kondisyon at naging kulay-ube ang kanyang mukha.

Dahil dito, nagkukulong na lamang si Gao sa bahay, at hindi na ito luma­labas pa ng kanilang tahanan dahil sa sobrang kati.

Aminado si Gao na minsan ay gumamit din siya ng mumurahing makeup, na maaaring nakadagdag sa pinsala sa kanyang balat.

Ngunit ayon sa ilang dermatologist, malabong ang hindi pagtanggal ng makeup lamang ang sanhi ng ganitong ma­tinding kondisyon. Posibleng may iba pang dahilan tulad ng rosacea, dermatitis, o maling paggamit ng ilang produkto.