BOMBO DAGUPAN – Pinagbabaril ang 36-taong gulang na lalaki sa bayan ng Umingan dahil umano sa simpleng alitan sa lupa na lalong tumindi dahil sa pagpabor ng korte sa kahilingan ng biktima na pamahalaan ang nasabing lupa.

Ayon kay PCAPT. Liberato Poking DCOP, Umingan PNP ito umano ang naging ugat ng insidente na siya naman humantong sa pamamaril.

Kinilala naman ang biktima na si Pepito Gutierrez Mamaril Jr, 36 taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Flores sa nasabing bayan habang kinilala naman ang suspek na si Reynaldo Ganancial nasa hustong gulang, may live-in partner, magsasaka, at residente rin ng nasabing lugar.

--Ads--

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima habang nagmamaneho ng kanyang tricycle, kasama ang kanyang pasahero at pauwi na nang harangin ng suspek at pinagbabaril ang biktima ng tatlong beses.

Napag-alaman din na ang suspek ay hindi otorisado humawak o walang lisensiya para magkaroon ng baril.

Sa kasalukuyan ay hindi parin mahanap ng pulisya ang suspek dahil ilang oras pa ang nakalipas bago naireport ang nasabing pamamaril subalit naifile na ang kasong frustrated murder dito.

Samantala, nagpapagaling naman ang biktima at inaantabayanan na lamang ang naifile na kaso.