BOMBO DAGUPAN – Kinitil ng 32 anyos na ginang ang kaniyang buhay sa Brgy.Tangcarang sa lungsod ng Alaminos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMAJ. Jairilyn F. Camangian DCOP, Alaminos City PNP na dahil umano sa mga pinagdadaanan na problema ng biktima ang nag-udyok sa kaniya upang gawin ang bagay na ito.
Aniya na base sa mga nakalap nilang impormasyon na dakong 9:00 ng gabi nitong August 3 ay nakatanggap ng tawag ang 14 anyos na anak ng biktima mula 6 na taong gulang nitong kapatid na pumasok ang kanilang ina sa comfort room ng kanilang inuupahang bahay at lumipas ang mga oras ay hindi parin lumalabas ito.
Agad namang pumunta ito sa inuupahang bahay ng kanyang ina at pagdating nito ay agad itong nagtungo sa comfort room kung saan pagbukas niya ng pinto ay nadiskubre niya ang kanyang ina na nakasabit sa beam ng kanilang comfort room gamit ang plastic na lubid na nakatali sa kanyang leeg.
Nagawa pang maitakbo sa pinakamalapit na ospital ang biktima subalit ideneklarang ding dead-on-arrival.
Ani Camangian na bagamat ay walang trabaho ang biktima ay talagang pinoproblema niya ang pera dahil narin sa hirap ng buhay. Kaugnay nito ay ilang beses narin itong nagtangkang kitilin ang kaniyang sariling buhay.
Napag-alaman din na walang asawa ang biktima subalit may dating kinakasama na kasalukuyang nakakulong dahil sa ilegal na droga.
Sa kasalukuyan ay nakahimlay ang bangkay ng biktima sa Brgy. Palamis sa nasabing lungsod.
Samantala, nagpaalala naman ito sa mga tao na nakakaranas ng problema sa buhay na hindi solusyon ang pagkitil ng buhay bagkus ay dapat mas patatagin ang sarili para sa pamilya.