Mga kabombo! Naniniwala ka ba sa multo?
Ano nga ba ang kaya mong gawin makaiwas lang dito?
Isang flight kasi mula Savannah, Georgia ang patungo sanang Miami, Florida ang naaberya habang nasa himpapawid matapos magwala ang isang pasahero kung saan inatake nito ang mga flight attendants, at lumunok pa ng rosary beads?
Ang pasaherong ito ay kinilalang si Delange Augustin, 31-anyos.
Ayon sa mga saksi, inakala ng isang flight attendant na may medical emergency si Augustin kaya sinubukan itong pakalmahin. Pero bigla na lang itinaas ng suspek ang mga paa nito at sinipa sa dibdib ang flight attendant.
Dagdag pa, pinagsisipa niya rin ang mga upuan sa kanyang harapan hanggang sa mawasak ito.
Dahil sa matinding kaguluhan, nagpasya ang piloto na ibalik sa pinagmulang airport ang eroplano.
Habang nasa biyahe pabalik, kumalma si Augustin, pero paglapag ng eroplano, muli siyang sumugod sa harapan ng cabin. Dito na siya muling nanakit ng isa pang flight attendant.
Dahil dito, tatlong pasahero ang napilitang umawat bago dumating ang airport police.
Paliwanag naman ng kapatid nitong si Medjina Augustin, na kasama nito sa flight, papunta raw silang Haiti upang tumakas mula sa isang ‘spiritual attack’. Aniya, bago pa magwala si Delange, sinabi na raw nito sa kanya na “May mga alagad ni Satanas sa eroplano” at sinusubukang pigilan silang makarating sa Haiti.
Sa kabila nito, ikinulong pa rin si Augustin at nahaharap sa kasong misdemeanor battery, misdemeanor obstruction of police, at felony criminal property damage matapos bigyang diin ng airlines ang ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at crew na kanilang pangunahing prayoridad.”
Samantala, matapos ang 181-minutong pagkaantala, muling lumipad ang eroplano patungong Miami.