Dagupan City – Dinagsa ng higit 300 katao ang voter registration ng COMELEC Mangaldan nitong Sabado, Agosto 2. Karamihan sa mga dumalo ay mga bagong botante na nais makapagparehistro para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Dahil sa dami ng aplikante, nagpatupad ng cut-off ang tanggapan pasado alas-dos ng hapon upang mapanatili ang kaayusan sa proseso.
Ayon sa COMELEC Mangaldan, limitado lamang sa 300 katao ang maaaring ma-accommodate bawat araw para matiyak ang maayos na pagproseso ng mga aplikasyon.
Sa kabila ng itinakdang limitasyon, may mga nakapilang aplikante pa rin sa labas ng tanggapan.
Bukas ang opisina mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Linggo, hanggang Agosto 10.
Bilang bahagi ng satellite registration, itinakda rin ang voter registration sa ilang paaralan at opisina sa bayan ng Mangaldan upang maabot ang mas maraming aplikante.
Tumatanggap ang tanggapan ng iba’t ibang uri ng aplikasyon gaya ng first-time registration, reactivation, correction ng records, at updating para sa mga sektor tulad ng PWDs, senior citizens, at IPs.
Kabilang sa mga tinatanggap na valid ID ang national ID, passport, driver’s license, student ID, at senior citizen’s ID.