Dagupan City – Umabot sa 300 aspiring college freshmen ang sumabak sa final scholarship examination ng ikatlong batch ng One Manaoag Scholarship Program (College Financial Grant), na naglalayong makapili ng 150 bagong iskolar para sa taong ito.

Isinagawa ang pagsusulit sa Manaoag National High School, kung saan hinarap ng mga aplikante ang mga pagsusulit sa Mathematics, Science, English at General Information bilang bahagi ng mahigpit na proseso ng pagpili.

Bago umabot sa final examination, dumaan muna ang mga aplikante sa face-to-face interview ng Scholarship Committee at masusing pagsusuri ng kanilang mga dokumento upang matiyak na kwalipikado at karapat-dapat silang mapabilang sa programa.

--Ads--

Ayon sa pamahalaang bayan, bahagi ng proseso ang maingat at patas na pagsusuri upang matiyak na ang scholarship grants ay mapupunta sa mga estudyanteng tunay na nangangailangan at karapat-dapat na mabigyan ng pagkakataon na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Itinatag noong 2024, ang One Manaoag Scholarship Program ay kabilang sa mga priority program ng administrasyon ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario para sa mga residenteng Manaoaguenos na nais makapagpatuloy ng higher education.

Sa ilalim ng programa, bawat kwalipikadong scholar ay makatatanggap ng ₱16,000 financial assistance kada academic year, na ibinibigay sa dalawang installment na tig-₱8,000 bawat semester.

Layunin ng financial grant na makatulong sa gastusin ng mga estudyante at mabawasan ang pasanin sa kanilang mga pamilya habang tinatapos ang kanilang college education.

Naging institutionalized na rin ang programa sa pamamagitan ng isang municipal ordinance na iniakda ni Sangguniang Bayan Member Arnold L. Saragoza at sinuportahan ng Sangguniang Bayan, na naglalayong matiyak ang pagpapatuloy nito bilang pangmatagalang investment para sa kabataan ng Manaoag.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 283 continuing scholars ang programa. Kapag napili ang 150 bagong scholars mula sa 300 examinees ngayong taon, inaasahang aabot sa 433 estudyante ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo.

Sa pagtatapos ng examination, isang hakbang na lamang ang natitira bago tuluyang makilala ang mga bagong iskolar na magiging bahagi ng patuloy na programa ng Manaoag para sa edukasyon ng kabataan.