DAGUPAN CITY- Planong itayo sa Balingit-Constantino Lasip Elementary School sa Calasiao ang isang high-rise building bilang pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa lugar.

Ayon kay Gng. Imelda Parayno, punong-guro ng paaralan, nananatiling maayos ang daloy ng klase mula nang magbukas ang School Year 2025-2026, sa kabila ng patuloy na banta ng pagbaha.

Ibinahagi rin niya na bagamat wala pang matitinding pag-ulan, ilang minutong ulan lamang ay nagdudulot na ng bahagyang pagbaha sa paligid ng paaralan.

--Ads--

Bagamat mas maayos na raw ang mga kalsada sa Barangay Lasip, hindi pa rin ligtas ang mismong paaralan mula sa baha.

Nilinaw ng punong-guro na wala sa saklaw ng lokal na pamahalaan ang pagpopondo sa naturang proyekto, kundi ito ay nakasalalay sa Department of Education (DepEd).

Naipasa na ang kaukulang resolusyon para sa pagtatayo ng gusali at ito ay nabigyang pansin na ng Schools Division Office (SDO).
Inaasahan na magsisimula ang konstruksyon ngayong taon.