Tatlong pulis ang nasawi matapos na sumiklab ang pamamaril sa Barangay Tubtubon, Sibulan, Negros Oriental bandang 9:35 kagabi, Enero 9, ayon sa ulat ng Negros Oriental Police Provincial Office.
Ayon sa paunang ulat, ang insidente ay nagsimula sa isang resto bar kung saan pinagbabaril ni Police Staff Sergeant Bonifacio Saycon ang isang sibilyan na kinilalang si Sheila Mae Dinaonao na agad ding binawian ng buhay.
Agad namang inaresto si Saycon ng isang response team na pinangunahan ni Police Captain Jose Edrohil C. Cimafranca.
Habang dinadala si Saycon patungo sa himpilan ng pulisya, muling sumiklab ang pamamaril sa Tubtubon, Sibulan, Negros Occidental na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong pulis na kinilalang sina Police Captain Cimafranca, Police Senior Master Sergeant Tristan Chua, at Patrolman Rey Albert Temblor.
Nagawa namang makatakas ni Saycon matapos ang insidente ngunit kalaunan ay kusang-loob ding sumuko sa Tanjay City Police Station. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.
Hindi pa malinaw ang motibo ng krimen at patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari.










