Sugatan ang tatlong POSO enforcer matapos pagsasaksakin ng isang babaeng  may mental problem  sa lungsod ng  Alaminos.

Kinilala  ang mga biktima na sina Romeo Alcaparas, 55 anyos residente ng barangay Lucap, Glenn Tugade, 50 anyos residente ng barangay Dulacac at Virgilio Rabara, 53 anyos at residente ng barangay Tanaytay, sa nasabing lungsod.

Base sa inisyal na imbestigasyon,  nirespondehan ng mga POSO enforcer ang  report na  panununog ng 29 anyos na babae sa kanilang sariling bahay.

--Ads--

Pinapasuko sa suspek ang hawak na itak pero binantaan nito na tatagain ang mga enforcer.

Noong isinakay na ang suspek sa patrol vehicle  ay doon na nagwala at nanlaban ito gamit ang itinatagong cutter blade.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang  mga POSO enforcers.

Agad namang isinugod ang mga ito sa Western Pangasinan District Hospital.

Hinihinalang  may mental problem ang suspek subalit sasampahan pa rin ito ng kaukulang kaso dahil wala umano itong maipakitang dokumento na mayroon siyang sakit.