DAGUPAN CITY – Personal na nakasama at nakausap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tatlong Pinay travelers na nakarating na sa lahat ng 193 United Nations-member countries sa buong mundo.
Sa isang Facebook post, ipinakita ni Marcos ang ilang mga larawan niya kasama ang Pinay travelers na sina Odette Ricasa, Luisa Yu, at Kach Medina Umandap.
Si Ricasa ang unang United States (US)-based Filipino na nakarating ng 193 mga bansa; si Yu naman ang pinakamatanda sa tatlo na may edad 79; habang si Umandap ang pinakabata at unang Pinoy na nakakumpleto ng paglalakbay gamit lamang ang kaniyang Philippine passport.
Ibinahagi rin ng pangulo ang ilang sa mga napagkuwentuhan nila ng tatlong Pilipina, tulad ng pagtanong niya sa mga ito kung mayroon bang bansa na wala pang Pilipino.
Matatandaang kamakailan lamang ay napaulat si Umandap, matapos niyang ibahagi ang kaniyang naging karanasan sa pagtungtong sa iba’t ibang mga bansa .