DAGUPAN CITY— Hinihinalang lango sa alak ang mga biktima sa nangyaring self vehicular incident na ikinasawi ng 3 katao at ikinasugat ng isa pa sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Alipangpang sa bayan ng Pozorrubio.


Ayon kay PMaj. Zynon Paiking, ang OIC ng Pozurrobio PNP, batay sa attending physician ng Pozorrubio Community Hospital, nasa impluwensya ng alak ang mga biktima nang mangyari ang insidente.


Aniya, maaring ito ang dahilan ng aksidente lalo na at napag-alaman na nakatulog ang driver na si Jermine Alcantara dahil sa kalasingan kaya bumangga ang kanilang sasakyan sa poste ng kuryente.

--Ads--


Sa lakas umano ng impak ng pagkakabangga, nagtamo ng serious injuries ang mga biktima at agad na isinugod sa ospital.


Ngunit pagdating pa lamang umano sa pagamutan, idineklarang Dead on Arrival (DOA) ang dalawang biktima na si Alcantara at ang isang pasahero na si Patrick Cholo Aquino.


Pagkaraan naman ng alas-8 ng umaga kahapon, binawian din ng buhay ang isang kasamahan nila na si Henrich Viray habang ang isang kasama nilang si Albert Basada, na residente ng Brgy Paldit sa bayan ng Sison ay kasalukuyan pa rin inoobserbahan ng mga doktor.


Ang mga nasawing mga indibidwal ay mula naman sa Brgy. Alipangpang at napag-alaman na ang mga ito ay magbabarkada.