Tinupok ng apoy ang isang bahay na nagsisilbing tirahan ng tatlong pamilya sa Brgy. Osiem, Mangaldan, Pangasinan nitong Pebrero 6, pasado ala una ng hapon.
Kabilang sa mga nawalan ng masisilungan ay ang mga pamilya ng magkakaanak na sina Ginalyn Cabarlo, Rubelyn Molina at Kathleen Cabarlo.
Ayon sa salaysay ni Ginalyn, napansin raw ng kanilang kapitbahay ang sunog sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.
Malaki na aniya ang sunog nang mapansin nila ito dahilan para unahin nilang iligtas ang kanilang mga sarili.
Sa bilis ng pagkalat ng apoy ay wala anila silang naisalbang gamit kundi ang kanilang mga suot na damit nang mangyari ang sunog.
Mabilis namang rumesponde ang Mangaldan Bureau of Fire Protection upang apulahin ang sunog kung kaya’t di na rin ito kumalat sa ibang kabahayan.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa sunog
Agad ring pinamonitor ng LGU-Mangaldan ang lagay ng mga apektadong pamilya na mabilis na pinahatiran ng paunang cash and relief assistance.
Nakatakda ring mag-abot ngayong araw ng karagdagang tulong ang lokal na pamahalaan sa mga nasunugan.
Kasakuluyan pa rin under investigation ng BFP Mangaldan ang pinagmulan ng sunog.