Mas pinaigting ng Schools Division Office (SDO) Dagupan City lalo na ang Junior and Senior High School sa pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad sa mga pampublikong paaralan matapos makapagtala ng online bomb threats sa tatlong high school sa lungsod.

Ayon kay Dr. Edwin Ferrer, Public Schools District Supervisor para sa Junior at Senior High School ng SDO Dagupan City, agad nilang isinailalim sa heightened alert ang mga paaralang sakop ng Districts 9 at 10 kasunod ng mga natanggap na pagbabanta na ipinadala gamit ang mga dummy o pekeng social media accounts.

Bagama’t tatlong paaralan lamang mula sa 8 paraalan ng high school ang nakatanggap ng direktang online bomb threats gaya ng Federico N. Ceralde Integrated School, Bonuan Boquig National High School at Dagupan City National High School , isinailalim din sa mas mahigpit na pagbabantay ang iba pang paaralan sa lungsod bilang bahagi ng preventive security measures.

--Ads--

Agad namang inatasan ni Ferrer ang mga school principal, Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) coordinators, at school security task force na magsagawa ng room-to-room inspections, regular na monitoring, at mahigpit na pagpapatupad ng mga safety protocol upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.

Binigyang-diin din niya na mahalagang magkaisa ang buong komunidad ng paaralan sa pagpapanatili ng seguridad.

Inatasan din ang mga class adviser na tiyaking updated ang contact information ng kanilang mga estudyante, kabilang ang cellphone numbers, email addresses, at Messenger accounts, upang mapabilis ang pagpapadala ng mahahalagang abiso kung magkakaroon ng emergency.

Ayon pa dito, bagama’t wala pang kumpirmasyon na totoo ang mga naturang pagbabanta, hindi ito dapat balewalain dahil nakasalalay ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan.

Nakahanda rin umano ang DepEd na ipatupad ang flexible learning o modular learning sakaling kailanganing suspendihin ang face-to-face classes dahil sa anumang banta sa seguridad upang matiyak na hindi maaantala ang pag-aaral ng mga estudyante.

Sinabi rin ni Ferrer na mas malawak ang naging epekto ng mga bomb threat ngayong taon kumpara sa mga nagdaang insidente, na aniya’y karaniwang nakaaapekto lamang sa iilang indibidwal o paaralan.

Samantala, tiniyak ng SDO Dagupan City na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod, mga school officials, at iba pang kinauukulang ahensya upang mapanatili ang seguridad sa lahat ng paaralan at matiyak ang ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral.