Tinatayang nasa P3.6 milyon ang halaga ng mga tanim na marijuana ang sinira at winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang pinagsamang operasyon sa Barangay Badeo sa bayan ng Kibungan sa lalawigan ng Benguet.
Nagsanib-puwersa ang PDEA RO I – Ilocos Norte Provincial Office (PDEA RO I – INPO), at PDEA Cordillera Administrative Region – Benguet Provincial Office (PDEA CAR-BPO), kasama ang Kibungan Police Station.
Natuklasan ang tatlong plantasyon ng marijuana na may kabuuang sukat na 2,500 square meters sa isang bulubunduking lugar.
Ayon kay PDEA RO I Regional Director Joel B. Plaza, tinatayang 18,200 piraso ng ganap na mga tanim na marijuana ang binunot at sinunog sa mismong lugar matapos ang operasyon.
Kasalukuyang iniimbestigahan at pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang mga responsable sa pagtatanim nito dahil nais nilang mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng gawaing ito.
Samantala, nagpapakita ang ginawang matagumpay na operasyon ng patuloy na pagsisikap ng PDEA at ng mga kasamang ahensya sa paglaban sa ilegal na droga.
Layunin din nito na mabawasan ang ganitong uri ng iligal na aktibidad sa pakikipagtulungan sa mga kalapit na lugar sa bawat rehiyon.