Nahaharap ngayon sa kasong may kaugnayan sa illegal na droga ang tatlong kabataang menor de edad na estudyante matapos na maaktuhan ng mga awtoridad habang nagre-repack ng shabu sa Bacoor City Cavite.

Ang mga suspek na edad 15-16 ay itinago sa mga alyas na Troy, Memot at Born; pawang ALS student at residente ng Brgy. Zapote 1, Bacoor City habang ang dalawang umano’y tulak ng droga ay kinilalang sina Mark Christopher Vallarta alias Toper at Jigger Castro.

Ayon sa impormasyon, inilatag ng Bacoor City Police ang buy-bust operation sa Brgy. Zapote 1 kung saan isang pulis ang tumayong buyer ng shabu sa suspek na si Vallarta.

--Ads--

Habang inaaresto si Vallarta, naaktuhan sa lugar ang apat pa nitong kasama kabilang na ang tatlong nabanggit na kabataan na umano’y nagre-repack ng shabu.

Narekober sa mga suspek ang 6 plastic sachet ng shabu na nasa 2 gramo at may halagang P13,600.00.