BOMBO DAGUPAN- Tatlong Malaysian Nationals ang hinarang ng Bureau of Immigration kahapon matapos sabihing miyembro umano sila ng Kingdom of Jesus Christ.
Ayon sa ahensya, dumating ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 mula Kuala Lumpur, Malaysia noong Agosto 27.
Kinilala ang mga ito na sina Jessica Lynn Henry, Mimielianna Annie Anak Leesoi, and Andrijosebaul Anak Garra, pare-parehong nasa mid-20s ng edad.
Sinabi ng mga ito na maliban sa kanila, kasama din nilang dumating ang grupo ng mga Pilipino na miyembro din ng KOJC na kalaunan ay iniwan din sila matapos nilang mailipat sa immigration inspection.
Napag-alaman din nila na makikiisa ang mga ito sa anti-government demonstrations ng mga miyembro ng KOJC kaya sila pumuntang Pilipinas.
Kaugnay nito, sinasabi din ng tatlong Malaysian nationals na inimbitahan sila ng KOJC na pumuntang Davao City.
Ani BI Commissioner Norman Tansingco na nakaplano na ang mga ito na bumalik sa Malaysia noong Agosto 28 subalit ‘denied’ na ang mga ito matapos ang isinagawang karagdagang inspeksyon sa mga ito.
Dagdag pa niya, inamin ng mga ito na wala silang trabaho at nabigo silang maipakita ang patunay ng kanilang financial capacity.