BOMBO DAGUPAN – Nakauwi na ang 3 magkakaanak na mangingisda na nasagip matapos silang matagpuang palutang-lutang sa loob ng tatlong araw sa karagatang sakop ng Ilocos Norte.

Kinilala ang mga ito na sina Corajel Carolino, 58 anyos, Ace Carolino 36 anyos at Ramon Fernandez, 58 anyos na pawang mga residente sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCapt Jayson Orilla Deputy Chief of Police Bolinao PNP sinundo kaninang madaling araw ang mga nasabing mangingisda kasama ang lgu bolinao, mdrrmo at kapulisan ng nasabing bayan.

--Ads--

Kung saan batay sa salaysay ng mga ito, hindi nila natantiya ang pagdating ng Bagyong Enteng noong sila ay pumalaot noong Agosto 29 mula sa Pangasinan kung kayat nang pabalik na sana sila matapos makarating sa karagatang sakop ng Magsingal, Ilocos Sur noong Setyembre 2 ay dito na sila inabutan ng malakas na alon dahilan ng pagtaob ng kanilang bangka.

Kumapit naman ang mga mangingisda sa kanilang bangka hanggang sa mapadpad sa Ilocos Norte at tanging ulan lang ang ininom nila sa loob ng tatlong araw na palutang-lutang sa dagat.

Bukod dito ay kanila ding ipinaalam na nakita at tinulungan sila ng dumaang transiting vessel na MV Zarita na papunta sana ng Indonesia na siya na ring nag ulat sa Phil Navy.

Agad ding dinala ang tatlo sa Rural Health Unit Currimao at sa kasalukuyan ay nasa mabuti na silang kalagayan.

Nagpaalala naman si Orilla na dahil maulan pa ang panahon ay huwag munang tangkaing pumalaot.

Samantala, patuloy din ang kanilang monitoring sa mga flood prone areas pero aniya sa ngayon ay normal naman ang sitwasyon sa kanilang bayan.