Sisimulan na ng Public Order and Safety Office sa lungsod ng Dagupan ang paghuhuli at pagmumulta ng 3 libong piso at impoundment ng mga sasakyan sa mga motoristang lasing at walang driver’s license habang nagmamaneho sa mga kakalsadahan ng lungsod.
Alinsunod ito City Ordinance Number 2381-2026 na nagtatakda ng mas mataas na parusa para sa mga motoristang lalabag dito.
Dati ay umaabot lamang sa ₱200 ang multa para sa mga nahuhuling nagmamaneho nang walang lisensya, ngunit simula sa linggong ito ay tataas na sa ₱3,000.
Bukod sa multa, papayagan din ang POSO na i-impound ang mga sasakyan ng mga lumalabag maging ang mga nasa legal na edad o minor de edad.
Dahil dito, Tiniyak nila na may sapat na espasyo ang opisina para sa mga sasakyang mai-impound.
Binigyang-diin naman ng POSO na napag-aralan nang maigi ng Sangguniang Panlungsod ang pagtaas ng parusa, dahil ang dating ₱200 na multa ay hindi sapat na hadlang para sa mga motorista dahil kahit na makatatlong huli ay kayang-kayang bayaran ng mga nagmamaneho.
Kaugnay nito, dahil sa mataas na multa ay maaring hindi na maulit ng ilang motorista na lumabag sa nasabing ordinansa.
Batay sa pag-aaral at pagdinig ng Sangguniang Panlungsod, 40% ng mga nagmamaneho ng motorsiklo sa lungsod ay mga menor de edad at walang driver’s license na karaniwan din silang nasasangkot sa mga aksidente.
Layunin ng lokal na pamahalaan at POSO na maiwasan ang mga ganitong insidente sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Dahil dito, nananawagan ang POSO sa mga motoristang walang lisensya na pumunta na sa Land Transportation Office (LTO) para sumunod sa mga kinakailangan at mag-apply ng kanilang sariling lisensya.
Ipinapaalala rin nila na ang mga traffic enforcers ay nasa serbisyo ng 24 oras, kaya walang palusot ang mga lumalabag kahit sa gabi.










