Umabot sa tatlong katao ang nasawi matapos ang pinaghihinalaang outbreak ng umano’y Hantavirus sakay ng isang cruise ship sa Atlantic Ocean, ayon sa World Health Organization (WHO).
Kinumpirma ng WHO na isang kaso pa lamang ang kumpirmadong nasawi, habang lima pa ang iniimbestigahan.
Napag-alaman na isang 69-anyos na British national ang kasalukuyang nasa intensive care sa Johannesburg, South Africa.
Ang hantavirus ay karaniwang naipapasa sa tao mula sa mga daga sa pamamagitan ng kanilang ihi o dumi, at maaaring magdulot ng malubhang sakit sa paghinga. Sa bihirang pagkakataon, maaari rin itong maipasa mula tao sa tao.
Naiulat ang outbreak sakay ng MV Hondius, na pinapatakbo ng Oceanwide Expeditions. Ang barko ay bumiyahe mula Argentina patungong Cape Verde.
Ayon sa mga awtoridad sa South Africa, ang unang pasyente na nagpakita ng sintomas ay isang 70-anyos na lalaki na namatay habang nasa barko. Ang kanyang labi ay kasalukuyang nasa Saint Helena.
Nagkasakit din ang kanyang 69-anyos na asawa at inilikas sa South Africa, kung saan siya rin ay nasawi sa isang ospital sa Johannesburg. Ayon sa ulat, ang mag-asawa ay natukoy na mga Dutch national.
Iniulat din na ang ikatlong nasawi ay nananatili pa sa barko, habang pinag-uusapan kung ilalagay sa isolation ang dalawa pang pasyente sa mga ospital sa Cape Verde.
Ayon sa WHO, tumutulong ito sa koordinasyon sa pagitan ng mga bansang kasangkot at ng operator ng barko para sa medical evacuation ng mga pasyente, gayundin sa pagsasagawa ng public health risk assessment at pagbibigay-suporta sa mga sakay ng barko.










