Dagupan City – Arestado ang tatlong indibidwal sa lalawigan ng Nueva Ecija ng mga kapulisa sa magkahiwalay na checkpoint operations noong nakalipas na dalawang araw. Nakumpiska sa pangangalaga ng mga ito ang dalawang baril at hinihinalang shabu.

Ayon sa pulisya ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa pamumuno ni Provincial Director PCOL Ferdinand D. Germino, ang unang pag-aresto ay naganap noong Enero 21, alas-5:45 ng hapon sa Brgy. Casongsong sa bayan ng Guimba.

Isang 40-anyos na negosyante ang nadakip ng 2nd PMFC Maneuver Company dahil sa pagdadala ng isang unregistered 9mm pistol, anim na bala, at isang itim na backpack.

--Ads--

Dahil dito kahaharapin niya ang mga kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions) at sa Omnibus Election Code (COMELEC Gun Ban).

Kinabukasan naman nito ng Enero 22, ala-1:30 ng madaling-araw, dalawang lalaki ang napara ng mga tauhan ng Cabiao Municipal Police Station (MPS) sa isang COMELEC checkpoint sa Brgy. Sta. Ines, sa nasabing bayan.

Nakuha naman sa kanila ang isang homemade Cal .45 pistol na may anim na bala at isang plastic sachet na naglalaman ng 0.50 gramo ng hinihinalang shabu, na may tinatayang halaga na Php 3,400 ayon sa Dangerous Drugs Board (DDB).

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Cabiao MPS ang dalawa at haharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591, Omnibus Election Code (COMELEC Gun Ban), at Section 11 ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, panawagan naman ang pulisya sa publiko na dapat sumunod sa mga regulasyon upang hindi mapatawan ng parusa gaya nito at iulat ang anumang paglabag ngayong election period upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa kanilang nasasakupan sa nalalapit na halalan.