Dagupan City – Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10611 (Food Safety Act of 2013) ang tatlong lalaki matapos mahuli sa isang checkpoint sa bayan ng Sison na nagdadala ng mga produktong karne na hindi sumusunod sa mga regulasyon sa kaligtasan ng pagkain.

Kinilala ang mga suspek na residente ng Pozorrubio kung saan nasa 32-anyos ang driver, at dalawang porter na may edad 29 at 31.

Pinara ang sasakyan ng mga ito na isang L300 van sa isinagawang checkpoint ng Sison MPS sa kahabaan ng National Highway, Brgy. Paldit.

--Ads--

Natuklasan sa inspeksyon ang karga nito ang 50 piraso ng pork offal at 50 piraso ng ulo ng baboy.

Dahil sa mga discrepancy sa dokumento, kinailangan ang tulong ng Provincial Veterinary Office.

Dito napag-alaman na ang mga karne ay hindi nakalagay sa freezer van, at iba ang sasakyang ginamit sa nakasaad sa papeles.

Dahil dito, kinumpiska ng Provincial Veterinary Office ang mga karne na nagmula sa Tarlac at patungo sanang Baguio City.

Samantala ang mga nakumpiskang karne ay itatapon ayon sa food safety regulations para hindi na pakinabangan pa.