Matagumpay ang isinagawang pinagsanib na anti-drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region I at ng Manaoag Municipal Police Station matapos madakip ang tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang high-value target na kilala sa alyas na “Virgilio.”
Ayon kay Atty. Benjamin Gaspi, Regional Director ng PDEA Region I, ang operasyon ay resulta ng matagal na surveillance at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang higit 50 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng daan-libong piso.
Ani Atty. Gaspi, ang mga suspek ay kumukuha ng suplay mula sa kalapit bayan ng Lingayen, at ginagamit si alyas Richard bilang runner upang maiwasan ang direktang pagkakadawit ng pangunahing supplier.
Samantala, tiniyak naman nito na masusing nire-review ng legal at prosecution team ng PDEA ang mga ebidensya upang masiguro ang matibay na kaso laban sa mga suspek.
Isasampa din ang mga kaukulang kaso para sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga, alinsunod sa umiiral na batas.
Sa kabilang banda, ibinahagi rin ni Atty. Gaspi ang ilang hamon na kinahaharap ng kanilang ahensya sa pagpapatupad ng anti-drug operations:
Una ang kakulangan sa personnel kung saan pinagkakasya umano ng PDEA Region I ang limitadong tauhan sa kabila ng dami ng operasyon.
Pangalawa ang limitadong pondo na isa rin umano sa balakid ang kakulangan sa budget para sa malakihang operasyon.
At pangatlo ay ang Mobility na apektado rin ang operasyon dahil sa kakulangan ng sasakyan at kagamitan.
Gayunman, nilinaw ni Gaspi na bagaman hindi kasing laki ng supply ng droga sa mga “alpha regions,” patuloy ang pagdaloy ng droga sa Region I, kaya kinakailangang maging tuloy-tuloy ang kanilang kampanya.
Nanawagan ang PDEA sa publiko na makipagtulungan sa laban kontra ilegal na droga.
Kung saan isa sa kanilang hakbang ay ang pagsasagawa ng mga seminar at information campaigns upang turuan ang mamamayan, lalo na ang kabataan, sa masamang epekto ng droga.