Dagupan City – Nahanap na ang 3 araw nang nawawalang mangingisda sa bayan ng Agno, Pangasinan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa nawawalang mangingisda na si Dexter Abalos, inilarawan niyang tila nagbulag-bulagan ang mga mangingisdang nakita niya mula sa Zambales, dahil nakita nila itong palutang-lutang ngunit hindi ito tinulungan.
Natumba kasi aniya ang kaniyang sinasakyang bangka dahil sa bigla itong binangga ng dolphin. Napilitan naman itong mamalagi sa payaw ng 3 araw, at kumukuha rin ito ng mga shell malapit sa kaniyang kinaroroonan upang may panlamang sikmura nang sa gayon ay makaligtas sa kaniyang sinapit.
Hindi naman nawalan ng pag-asa si Dexter at umaasang mahahanap ito at makabalik sa piling ng kaniyang pamilya. Hanggang sa dakong alas-3 ng hapon noong linggo ay tuluyan na ngang nahanap ito ng kaniyang mga kapwa mangingisda, katuwang ang mga Coast Guard. Lubos naman ang pasasalamat ng kaniyang asawang si Jesielyn Abalos dahil nakauwi ng buo at ligtas si Dexter.
Sa kabila naman ng sinapit nito, ay pinili pa rin niyang bumalik sa pangingisda, dahil ito lamang aniya ng nakikita niyang trabaho na makatutulong sa kanilang gastusin.
Matatandaan na nanawagan si Jesielyn sa ating himpilan noong sabado para sa mas mabilis na paghahanap sa kaniyang asawa.