Tiniyak ng Police Regional Office 1 (PRO-1) na kanilang tinututukan ang pagpapaigting ng mabilisang pagresponde sa mga aksidente at insidente sa rehiyon, sa loob lamang ng 3 hanggang 5 minuto matapos ang tawag ng publiko.
Ayon kay PBGen. Dindo Reyes- Acting Regional Director PRO1, kasalukuyan nilang pinag-aaralan ang mga lugar na nangangailangan ng dagdag na PNP personnel, partikular sa mga komunidad na may mataas na insidente ng aksidente o krimen.
Bahagi ito ng kanilang mass strategic planning upang tiyakin na ang mga pulis ay hindi lamang naka-base sa himpilan kundi naroroon na sa mga lugar na malapit sa posibleng pinanggagalingan ng insidente.
Aniya na kapag tumawag ang publiko sa 911, tiyak na may agarang tugon mula sa kanilang mga tauhan.
Dagdag pa rito, sapat ang bilang ng mga pulis sa rehiyon at nakaantabay ang mga ito sa iba’t ibang istasyon upang mas mapanatili ang ligtas at maayos na komunidad.
Sa ngayon ay patuloy ang monitoring at assessment ng mga lugar kung saan ilalagay ang mga karagdagang deployment upang mapabilis ang serbisyo.
Hinimok naman nito ang publiko na subukang tumawag sa 911 kung may sakuna, krimen, o kahit anumang insidente sa kanilang lugar, upang masubukan ang kahandaan at bilis ng tugon ng kanilang hanay.