Umabot na sa 29 pamilya o 103 indibidwal ang inilikas sa Barangay Malued sa Dagupan City dahil sa patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng barangay.
Ayon kay Barangay Captain Pheng Delos Santos, patuloy na tumatanggap ng mga evacuee ang kanilang barangay, partikular ang mga residenteng nakatira sa mga lugar na lubog sa malalim na tubig.
Bagama’t wala umanong tubig-baha sa ilang pangunahing kalsada sa kasalukuyan, nananatiling mataas ang tubig sa mga creek at mabababang lugar na nagdudulot ng pagtaas ng bilang ng mga residenteng kailangang lumikas.
Sa ilang lugar, umaabot na sa dibdib ang taas ng tubig, habang nasa tuhod naman ang pinakamababang naitalang lebel.
Kabilang sa mga lugar na nakararanas ng malalim na pagbaha ang Calle Dos, Zone 1, Claveria Road, Zone 9 at bahagi ng fisheries area.
Sinabi ni Delos Santos na nakahanda ang kanilang barangay sa pagdami pa ng mga evacuee.
Isinasagawa rin ang pagkukumpuni sa kanilang evacuation center upang magkaroon ng mas malaking lugar na maaaring paglagyan ng mga residenteng lilikas.
May nakahanda na rin umanong food supplies ang barangay para sa mga evacuee, habang sinisikap nilang matiyak ang sapat na suplay ng tubig para sa mga lumikas.
Ayon sa kapitan, pangunahing prayoridad ng barangay ang kaligtasan ng lahat ng residenteng nasa evacuation center.
Samantala, patuloy na minomonitor ng barangay ang lebel ng tubig dahil unti-unti pa rin itong tumataas.
Gayunman, sinabi ni Delos Santos na hindi mabilis ang pagtaas ng tubig sa ngayon at hindi pa nila nakikita ang malaking pag-agos ng tubig mula sa upstream areas.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng barangay sa kanilang mga Barangay Health Workers (BHWs) na nasa mga apektadong lugar upang malaman kung may mga pamilyang nangangailangan nang lumikas.










