Umabot na sa 29 ang nasawi habang mahigit 60 iba pa ang nasugatan matapos sumiklab ang sunog sa isang kilalang pub sa Bangkok, Thailand.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rinse Galupo, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa nangyari ang insidente sa isang popular na establisimyento na kilalang lugar sa kabisera ng Thailand.
Ayon sa kanya, nananatiling kritikal ang kalagayan ng ilan sa mga sugatan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng sunog.
Batay sa salaysay ng isang nakaligtas, una nilang inakalang bahagi lamang ng stage effects ang makapal na usok na lumalabas sa loob ng establisimyento habang nagpapatuloy ang pagtatanghal.
Gayunman, mabilis na kumalat ang apoy, dahilan upang mag-panic ang mga customer at mahirapang makalabas ng gusali.
Ayon kay Galupo, isa sa mga tinitingnang dahilan kung bakit marami ang naging biktima ay ang umano’y pagkakaharang ng isa sa mga labasan ng pub.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, may mga nagtitinda sa paligid at malapit sa exit ng establisimyento na maaaring nakapagpabagal sa paglikas ng mga tao habang lumalaganap ang apoy.
Ibinahagi rin niya na kabilang sa mga nakumpirmang nasawi ang ilang police officers, government employees, at kanilang mga asawa.
Nadamay rin sa insidente ang ilang performers na nagtatrabaho sa pub, kabilang ang isang babaeng singer, drummer, at keyboardist ng Tutsakkan Band, na kabilang sa mga nagtatanghal nang mangyari ang sunog.
Nanawagan naman si Galupo sa publiko na mahigpit na sundin ang mga safety regulations sa mga pampublikong establisimyento upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.










