DAGUPAN CITY — Natimbog ang isang drug personality sa lungsod ng Alaminos matapos na magresulta ang isang aksidente sa kalsada sa pagkakadiskubre ng illegal drug paraphernalia at ilang ipinagbabawal na gamot.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Alexander Supsupin, Intel/Operations PCO ng Alaminos City Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente sa Brgy. Poblacion, Alaminos City, na kinasasangkutan ng isang motorsiklo na minamaneho ni Marvin Rabadon Rabanera, 28-anyos, at residente ng Brgy. Palamis ng parehiong lungsod.


Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na pagdating ng mga kawani ng kapulisan na rumesponde sa tawag ng isang concerned citizen patungkol sa pangyayari, nadatnan nila ang drayber na nakahandusay sa kalsada habang nakatumba naman ang motorsiklo nito.

--Ads--


Aniya na rumesponde rin ang mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at kaagad namang dinala ang drayber sa pinakamalapit na pagamutan para sa paggamot. Matapos nito ay nagtungo ang drayber sa HIPAD upang kunin ang kanyang motorsiklo.
Nang nilapitan siya ng pulis na nakatalaga sa assistance desk ay tinulak niya ito at sinubukang hablutin ang susi ng kanyang sasakyan tsaka pinagmumura ang naturang pulis.


Sa pagkakataong iyon ay ginamit ng mga kapulisan ang kanilang awtoridad upang arestuhin ang nasabing drayber na inutusan nila upang ipakita sa kanila ang kanyang driver’s license at mga dokumento ng kanyang motorsiklo. Nang buksan niya ng boluntaryo ang compartment ng kanyang motorsiklo ay dito na tumambad sa kapulisan ang illegal drug paraphernalia, at dalawang piraso ng small, heat-sealed, transparent plastic sachets na naglalaman ng white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu.


Kaagad namang nagsagawa ng full-body search ang kapulisan sa drayber ng motorsiklo kung saan ay nakuhanan pa ito ng karagdagang dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng white crystallien substance na pinaniniwalaang shabu sa loob ng kanyang damit na nakasilid sa isa pang plastic, at ang isa naman ay nakalagay sa loob ng flashlight.


Sa kasalukuyan ay nakapiit na ang suspek sa himpilan ng Alaminos City Police Station para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na rin ang kaso laban dito.