DAGUPAN CITY – Sugatan ang nasa dalawampu’t anim na officers habang nagbabantay sa isang kilos-protesta na inorganisa ng kilalang far-right na aktibistang si Tommy Robinson, kung saan tinatayang umabot sa 150,000 katao ang nagmartsa sa gitna ng London.

Nagkaroon ng tensyon sa rally na pinamagatang Unite the Kingdom, kung saan may ilang demonstrador na naghagis ng bote at iba pang bagay sa mga pulis, ayon sa Metropolitan Police apat ang naiulat na malubhang nasugatan.

Nakipag-usap sa mga demonstrador si tech billionaire Elon Musk sa pamamagitan ng videolink mula sa Whitehall, habang may tinatayang 5,000 katao naman ang lumahok sa isang hiwalay na kontra-protesta na inorganisa ng Stand Up To Racism.

--Ads--

Ayon sa Metropolitan Police, 25 katao ang naaresto dahil sa iba’t ibang paglabag, at tinawag nila ang karahasan na naganap bilang lubos na hindi katanggap-tanggap.

Isang malaking operasyon ng pulisya ang inilunsad sa gitnang bahagi ng London, kung saan 1,000 opisyal ng Met ang itinalaga at dinagdagan pa ng 500 mula sa iba’t ibang yunit gaya ng Leicestershire, Nottinghamshire at Devon and Cornwall.

Ayon kay Assistant Commissioner Matt Twist, ang mga opisyal ay nagpatupad ng batas nang patas at walang kinikilingan, sa kabila ng kanilang kaalaman na magiging mahirap ang sitwasyon.