DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang bente-sais anyos na binata matapos ang nangyaring aksidente sa lungsod ng Dagupan.
Nangyari ito sa kahabaan ng New De Venecia Road malapit sa isang bagong gawang terminal ng bus bandang ala-una ng madaling araw na kinasangkutan ng isang motorsiklo at kotse.
Kinilala ang driver ng motorsiklo na isang 26 anyos na residente sa bayan ng San Fabian habang ang nagmamaneho naman ng kotse at sakay nito ay pawang mga residente sa bayan ng Laoac.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, paliko na sana ang sasakyan sa nasabing terminal nang makabangga nito ang motorsiklong paparating na minamaneho ng biktima.
Dahil dito ay tumilapon ang motorsiklo kasama ang biktima na nagsanhi ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan kung saan agad namang naisugod sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival.
Hindi naman nasaktan ang mga sakay ng kotseng nasangkot sa insidente.
Kasalukuyan nang nasa istasyon ng kapulisan ang mga sasakyang nasangkot habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa aksidente.